Namulat ako sa kapaligirang basa. Kasama ang aking mga kababata ang pakatan na ang aming naging palaruan mula sa edad na lima. Ang pakatan ay isang anyong lupa na nagkakaroon ng tubig alat o tabang kapag tumataas ang tubig. Karaniwang tumutubo ang punong mangroves tulad ng bakawan, kuyapi at sapinit. Madalas itong masukal, mabatong matutulis at maputik. Ang anyong lupa ding ito ay mayaman sa lamang dagat tulad ng alimango, hipon, kabibe at mga sarisaring isda. Ang bawat isda at alimangong nakikita at nahuhuli namin sa mga sulok ng bakawan at bato ang naging katumbas ng counter strike. Lubha nga lang mahirap ang aming laro subalit ito naman ang nagdudugtong sa aming bituka.
Sa aming paglusong at pagpanhik sa putikan kasakasama na namin ang bangkang bilog na tinutubuan ng tatod. Ang tatod ay isang organismong kumakain ng mga nabubulok na puno sa pamamagitan ng pagbutas hanggang tuluyang maubos ang kanilang kinapitan. Ang bangkang may tatod ding ito ang nagbibigay sa amin ng konting ginhawa habang sumusuot kami sa masukal na bakawanan habang mataas ang tubig. Ang masisikip na sapa ang nagsisilbing daluyan ng tubig alat o tabang.
Ang bobo ang aming panghuli ng alimango, isda at hipon. Ang bobo ay isang kagamitang pangingisda na yari sa kawayan, tinalakid at hinugisan ng bilog sa gitna at nilagyan ng malaembodong butas na yari din sa kawayan sa magkabilang dulo. Pinapainan ito ng isda o hayop upang pumasok sa loob ang mga walang malay na huli. Sabi ni ama kaya bobo ang tinawag dito kasi kapag nakapasok na ang kahit ano dito ay hindi na makakalabas. Nakapasok tapos hindi marunong lumabas! Bobo!
Mahirap ang buhay pakatan kapag wala ang bangkang may tatod. Subalit kahit ganon sya kahalaga sa amin may mga limitasyon din itong di namin kayang iwasan. Kapag mababaw ang tubig kailangan naming maglakad ng nakapaa sa pakatan upang ilatag ang mga bobong patibong. Kailangang itali at iwanan namin ang patibong na ito sa loob ng labing dalawa hanggang dalawampu’t apat na oras upang maabutan ito ng isang pagtaas ng tubig. Habang kalahatian palamang ang pagtaib o pagkati saka naman kami lulusong kasama ang bangkang may tatod upang kuning muli ang mga inilatag naming bobo sa gitna ng pakatan.
Ang pamumuhay na ito ay parang pagtaya sa lotto. Umaasa lamang sa agos ng tubig at biyaya sa kalangitan. Minsan may huli madalas bokya! Lumipas pa ang mga taon tuluyan ng kinain ng tatod ang buong katawan ng bangka. Unti unti itong naging marupok at nabiyak. Sa gitna ng pamamalakaya ni ama tuluyan ng bumigay ang pagod at marupok na katawan ng bangka. Hindi na rin matiis ni ama’t ina ang kalagayan nito hanggang sa gitna ng pakatan kung saan siya nagkasilbi at nagsilbi ay unti unti ring binaon sa putik ang kanyang alaala.
Makalipas ang isang buwan magiging bahagi na nya ang putik at ang natitira pa nyang katawan ay tutubuan naman ng talaba at iba pang organismong maaaring kainin. Ayaw ko ng pagusapan pa ang bangkang iyon. Hindi pa ako handang isalaysay ang mahabang kwento ng aming pagsasama. Kung papano ko naging paksa sa kwentong ito ang bangkang may tatod ay gayon nalamang ang halaga nito sa aking buhay.
No comments:
Post a Comment