April 13, 2010

Talumpati


Magandang umaga po sa inyong lahat!


Ano ang edukasyon? Sapat na ba ang makasulat ng pangalan at makabasa ng ABAKADA? 

Sa aking pagdaka sa bulwagang ito ay nararamdaman kung muli ang mabilis na tibok ng aking puso habang nilalabanan ko ang aking naguumapaw na kasiyahan. Kaakibat ng kasiyahang iyon ang pagaalinlangan na pumupukaw sa aking diwa sa totoong kalagayan ng aming buhay. Ang mapagtanto sa aking paggising na kailangan kung magbanat ng buto upang makatulong sa aking magulang. Maaga akong namulat sa pagaalala sa kung ano nalamang ang kakainin namin kung kami’y magaaral pa sa mataas na paaralan mula sa kakarampot at hindi matatag na hanap buhay ng aming mga magulang. Hindi palang ako nagaaral ng elementarya ay alam ko na ang magsaing, maglinis ng bahay, mag-igib ng tubig, maglaba habang binabantayan ang aking nakababatang kapatid. Mula sa gigiwang-giwang at tagpi tagping bahay sa tuktok at matarik na dalisdis sa Libis ay nasilayan at namulat ang aking batang isipan sa kung ano ba talaga ang hirap at pagtitiis.


Hindi pa ako nagaaral noon. Natatandaan ko ang pagpapalit palit ng aking mga nakatatandang kapatid sa pagaalaga sa amin habang sila’y pumapasok sa paaralan samantalang abala naman ang aming mga magulang sa paghahanapbuhay. Nagbobobo si papa o kaya ay nagsasabat sa basnig habang si mama naman ay naglalabada sa Mercedes. Kapag sabado’t linggo ay kami namang magkakapatid ang namamalakaya, bitbit ang isang supot ng plastik o kaya’y tabo para magtuwad tuwad, magsihi at gulaman. Nagbagyo at nasira ang aming bahay sa Libis.



Patuloy pa rin ang pagpunta naming magkakapatid sa bakolod ngunit kapag dumarating ang panahon ng amihanun-bugkat, balilit, bagu-ngon naman ang aming kinukuha sa pakatan upang gawing kalakal sa Mercedes. Hindi mo alam kung ano ang maaapakan, makakapa at mararanasan kapag nasa pakatan ka na. Ahas, lamok, tihim, gasang at kung ano-ano pang bagay na maaaring mitsa ng iyong buhay. Makalipas ang ilang taon muli kaming lumipat ng bahay sa lugar kung saan kami kasalukuyang nakatira na sya namang pagsisimula ng aking pagpasok sa elementarya.



Hindi na ako nakapag daycare o kinder noon. Tanging lampara, tukarol o kaya’y ang tumatagos na sinag ng buwan mula sa nakangiting bubungan ang nagsisilbing ilaw namin sa magdamag. Walang TV, kompyuter at celfone noon tanging ang betamax na nagkakahalaga ng isang piso ang bawat pelikula ang nagsilbing taga hatid ng kung sino ang sikat.

Sabay sabay na kami nina ate sa pagpasok sa elementarya. Natatandaan ko noon na sa unang araw ako’y nakababa kay Ate habang pinapakinggan ang sabi nina mama at papa na diretso ang tingin papasok sa paaralan at huwag lilingon. Yun nga ang aking ginawa. Ngayon ko nalamang napagtanto kung ano ang ibig sabihin noon. Ang aking dipaglingon upang harapin at tahakin ang aking pangarap ang naging sandalan at pilosopiyang natatak sa aking isipan na kahit ano pa ang dumating sa aming buhay ay magiging matatag ako. Ang pagbaba naman sa akin ng aking Ate patungo sa unang araw ko sa paaralan ay simbolo ng sama-sama naming haharapin ang lahat ng pagsubok ng buhay. Naging instrumento din ito upang patuloy kaming mangarap ng sabay sabay upang baguhin ang aming buhay kung hindi man ang aming kapalaran.


Hindi na rin iba sa amin ang kumain ng lugaw tatlong beses sa isang araw o kaya’y inihaw na balaw na dina-ilan sa likod ng sandok na may kalamansi at nilamas sa niyog. Mas marami pa ang niyog keysa sa kanin. Ang kumain ng nilagang balilit o kaya’y sinabawang bugkat. Ang pumasok sa paaralan ng walang laman ang tiyan o baon man lamang. Ang umuwi tuwing recess upang magsaing para sa pananghalian. Ang tumira sa maliit na kubo na nakatirik lamang sa natumbang puno ng niyog sa loob ng tatlong buwan noong 1995. Ang mga pangyayaring katulad ng aking nabanggit ay siyang nagmulat sa akin upang paghusayan ang aking pagaaral. Hindi ko magagawang umunlad kung hindi ako magaaral ng mabuti at kung magpapadala o ipapaubaya ko nalamang sa Diyos ang lahat pati na rin ang kapalarang aking nagisnan.



Naniniwala po ako sa himala, himalang ako rin ang gagawa. Kung ang buhay sana’y umuulan ng himala ng tagumpay, sana’y humiling nalamang ako sa langit ng isang himala. Himalang sana’y sa tuwing paggising ko’y may isang takal ng bigas na pwedeng gawing lugaw para sa pananghalian. Ni isang butil ng bigas ay hindi nakukuha ng dahil lamang sa himala.

Sa totoo lang ayaw ko ng ibukas pa sa inyo ang aming buhay sapagkat di naman ito lingid sa kaalaman ng lahat. Ang pagtayo ko dito ay isang patunay sa ating lahat na hindi kailanman matatawaran ang pagpupunyaging makapagaral, baguhin ang buhay at mangarap. Natitiyak kong iba’t iba rin ang hirap, pagsubok at pakikipagsapalaran na inyong nararanasan subalit hindi natin maaaring talikuran ang bukas at hayaan ang ating sariling mapagiwanan. Kung ano man ang naglugmok sa atin sa problema at kahirapan ay hindi na mahalaga bagkos gawin nalamang itong inspirasyon sa pagabot ng ating mga pangarap.


Sa ngayon aking unti unting nasisilayan ang katuparan ng aming mga pangarap. Kahit hindi pa lubusang namumunga ang aming mga pagsisikap ay naririyan pa rin ang adhikaing umunlad at patuloy na makipagsapalaran sa buhay. Nais ko sanang makita ang aking mga magulang na namumuhay ng matiwasay o di kaya’y nagbobobo o nagtutuwad tuwad upang sariwain nalamang sa kanilang isipan ang mga pangarap na nabuo dahil sa ganitong hanapbuhay. Yung tipong hindi na sila gigising ng maaga upang pandawin ang bobo o di kaya’y magtinda sa Mercedes na kapag walang huli ay kakain pa rin sila ng sapa.



Habang pinagmamasdan ko kayo ay sumasariwang muli ang lahat ng hirap at tagumpay na aking naranasan. Sana tapos na rin ang pagiging matigas ang ulo, pagbubulakbol, at sobrang umasa sa ating mga magulang. Totoo ang laging sinasabi ng ating mga magulang na ang makapagtapos ay makakamit lamang sa pamamagitan ng ating sariling disposisyon at pagpupunyagi at lahat ng bunga nito’y mananatili sa atin. Nakakapangilid ng luha ang masilayan ang mga batang ito na magtatagumpay balang araw. Sa inyong mga nagsipagtapos ngayon at sa lahat ng mga batang naririto isang taus pusong pagbati ang aking pinararating. Congratulations!



Isa pong masigabong palakpakan para sa mga nagsipagtapos ngayon.

“Kaya nga kita pinapapasok sa paaralan kasi hindi ko alam yan! Ako ba ang nagaaral? Bakit ako ang tatanungin mo? Mga pananalitang iresponsable at walang pagasa. Ang lahat na inyong ipinapakitang kahinaan ng loob, kawalan ng pagasa, katamaran, pagsusugal, paginum ng alak sa maling paraan at lugar, pagmumura, at kawalang interes sa edukasyon ay tumatatak sa bawat isipan ng inyong anak. Gayunpaman natutuwa po ako at ang mga batang naririto na makita ang mga magulang na walang humpay na nagaaruga, nagdidisiplina at nagpapakita ng kalakasan ng loob sa kanilang mga anak upang pagtagumpayan ang mga hamon ng buhay. Ipakita natin sa ating mga anak ang tamang disposisyon, paggalang sa kapwa, tamang moralidad, at walang humpay na pagsasakripisyo. Igalang din ang kanilang kagustuhan, hikayatin at tulungang tumayo sa kanilang sariling mga paa at gabayan sila na maging kapakipakinabang na mamamayan at may takot sa Diyos.


Sa mga guro at tagapamahala ng paaralan na siya namang naghubog ng aming murang isipan, isang taus pusong pasasalamat po ang aking pinapaabot. Ang patuloy at walang humpay na pagpupunyaging turuan at gabayan ang lahat ng mga magaaral, upang makamit ang kanilang mga pangarap ay walang kapantay at mananatili sa aming mga puso. Sana’y muling bumalik sa inyong alaala at magsilbing inspirasyon ang lahat ng aming naabot at walang humpay na pasasalamat. Aming dalangin na sana’y manatili kayong matatag at dalisay sa hangaring makatulong at maibahagi ang kaalamang magiging pondasyon ng mas magandang bukas para sa kanilang kanya kanyang buhay.



At sa mga pinuno ng ating bayan, nawa’y magsimula sa inyo ang mga bayani at ehemplo ng mga batang naririto. Tulad ko ninanais din nila ang isang bayang makakapagbigay sa kanila ng sapat na trabaho, malinis na bayan, tahimik na kapaligiran at isang institusyong kanilang irerespeto at titingalain pagdating ng panahon. We hope that you leave a legacy of respect, honesty, dedication, transformation and good example.



Marami ang nagsasabi, na kahit hindi ka magaral ay magiging mayaman ka at maaari mong abutin ang lahat ng iyong pinapangarap. Totoo yun subalit iba pa rin ang yamang maibibigay ng edukasyon. Edukasyon ang magpapalaya sa ating isipan na gawin ang tama, ang magpapaunlad ng ating sarili at ng ating bayan at kapwa.



Totoong ang pagkakaroon ng edukasyon ay makakapagbago ng ating buhay subalit hindi lang basta edukasyon ang ating kamtan bagkos edukasyong nagbubuo, nagaagapay at gumaganyak tungo sa pagbuo ng isang desente, disiplinado, may respeto, at takot sa Diyos na mga mamamayan. Ang kooperasyon ng mga magulang, guro, pamahalaan at iba’t ibang sektor ng ating lipunan ay may mahalagang papel upang mahubog ang talino at karakter ng mga batang naririto at ng mga susunod na henerasyon.



Hayaan ninyong tapusin ko ang talumpating ito sa pamamagitan ng isang tanong para sa ating lahat. “Ano ang pangarap mo?”

1 comment:

  1. napakagandang pananalita. very inspiring!

    ReplyDelete